Mga festivals sa Batangas at Quezon, idinaan online dahil sa banta ng COVID-19

April Magpantay, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 12:54 PM

Isa ito sa mga face mask design na tilapia-inspired sa ika-2 taong pagdiriwang ng Tilapia festival sa bayan ng Laurel sa Batangas na ginawang online dahil na rin sa banta ng COVID-19. Larawan muna sa local government ng Laurel, Batangas

Idinaan na lang sa online ang pagdiriwang ng Tilapia Festival sa bayan ng Laurel sa Batangas, at ang ika-57 taong anibersaryo ng bayan ng Real sa Quezon dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Kahit naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal, African Swine Fever at COVID-19 pandemic ngayong taon, itinuloy ng lokal na pamahalaan ng Laurel ang pagdiriwang ng ikalawang taon ng Tilapia Festival pero sumusunod pa rin sa quarantine protocols. 

“Tuloy ang buhay sa kabila ng pagsubok, kaya sama-sama nating kilalanin ang talento ng ating kababayan. Muling ngumiti at umindak at hayaan ninyo kaming maghatid ng ayudang saya gamit ang teknolohiya sa inyong mga tahanan,” ayon kay Mayor Joan Amo. 

Walang nag-iihaw sa kalsada, pero may online demo ng pagluto ng masarap na sinaing na tilapia. 

May Tiktok challenge kapalit ng street dancing kung saan kaniya-kaniyang paandar ang mga sumali rito. 

May pa-bonggahan ng face mask design; ang ilan sa mga ito, tilapia-inspired. 

May online talent competition din kaya tinawag ang selebrasyon ngayong taon na e-Tilapia Festival. 

“Ang layunin ngayon ng pagdiriwang ng e-Tilapia Festival ay upang ipabatid sa lahat (na) ang taga-Laurel, hindi natitinag,” dagdag ni Amo. 

Samantala, online din ang pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng bayan ng Real sa Quezon.

Dahil bawal ang pagtitipon ng mga tao tulad ng street dancing, nagpatugtog na lamang ng madamdaming mga himig ang LGU. 

“Limitado man ang ating pagkilos dahil sa general community quarantine at dahil po sa banta ng virus, hinihikayat ko na patuloy po tayong maging produktibo," mensahe ni Mayor Bing Diestro-Aquina.

"Mabuhay po ang bayan ng Real. Mabuhay ang bawat Realeno. Gawin po nating inspirasyon ang bawat isa.”

Bukod sa pagkilala sa mga natatanging residente ng Real, binigyang-pugay din ang kababayang manunulat na si Dwight Dodie Diestro na pumanaw sa kanser ngayong buwan lamang. 

Propesor sa UP Los baños si Diestro at bantog na mananalaysay ng Timog Katagalugan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.