'May mga senyales na unti-unti nang gumaganda ang COVID-19 situation sa PH'

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 08:29 PM | Updated as of Jun 24 2020 10:21 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Patuloy ang pagtaas ng mga kumpirmadong nagkakasakit sa coronavirus disease (COVID-19) pero ayon sa health officials ay nagbubunga na ang kampanya at pagtugon ng bansa laban sa sakit.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, may mga senyales na nagsasabing unti-unti nang gumaganda ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa.

Kahit kasi umabot na sa higit 32,000 ang bilang ng mga nagkakasakit, 96.1 porsiyento sa mga ito ay mild ang sintomas at kakaunti lang ang severe at critical.

Ibig sabihin, mas matataas ang porsiyento na gagaling sa sakit.

Pero patuloy na iginigiit ng Department of Health (DOH) na hindi ibig sabihin nito na isasawalang bahala na ng publiko ang pag-iingat lalo na ngayong mas maluwag ang community quarantine.

Ngayong Huwebes, umabot na sa 32,295 ang kabuuang bilang ng nagkaka-COVID-19 sa Pilipinas matapos madagdagan ng 470 bagong kaso, kung saan 357 "fresh cases" at 113 "late cases."

Umakyat naman sa 8,656 ang bilang ng mga gumagaling habang 1,204 ang namatay sa sakit.

Pinuna naman ng isang eksperto ang naiibang pagresponde ng pamahalaan sa COVID-19.

"The pandemic was framed in the discipline narrative. 'Yong diskurso, imbes na health ang ipaintindi sa mga tao, kung gaano kahalaga ang kalusugang pangkabuuan, gaano kahalaga ang pag-iwas sa sakit, tumingin siya sa pagiging pasaway," ani Dr. Gene Nisperos mula sa University of the Philippines College of Medicine.

Para kay Nisperos, may mga katangian dapat ang mga itinatalagang mangunguna sa pagtugon sa pandemic.

"Maganda talaga may public health background... ang approach ng mga taga-health ay sama-sama nating harapin ito at mapagkalinga 'yong approach," ani Nisperos.

Tingin ni Nisperos ay panahon na para palitan ang liderato ng DOH.

Pero una nang sinabi ng pangulo na itataya niya ang kaniyang reputasyon sa kaniyang mga tauhan.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.