Manila drug bust: P3.4M halaga ng shabu kumpiskado, 2 timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 01:25 PM

Retrato mula sa Quezon City Police District Public Information Office

Aabot sa P3.4 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska sa 2 babaeng naaresto sa buy-bust operation sa Quiapo, Maynila noong Martes, sabi ng pulisya.

Sa ulat, kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga suspek bilang sina alyas "Mimi," 36, at alyas "Mhon," 38, na pareho umanong nakatira sa Barangay 384 sa Quiapo area.

Nakatanggap umano ng ulat ang QCPD ukol sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya nakipag-ugnayan sa mga tauhan ng Manila Police District para ikasa ang operasyon, na nangyari bandang alas-5:15 ng hapon.

Hinuli ang mga suspek matapos bentahan ang isang undercover na pulis ng shabu sa halagang P26,000, ayon sa pulisya.

Nakumpiska umano sa mga suspek ang kalahating kilo ng shabu na nagkakahalagang P3.4 milyon, digital weighing scale, isang clutch bag, at cellphone.

Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sabi ng mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.