Malacañang, naiintindihan ang 'pessimism' ng mga Pinoy sa gitna ng pandemya

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 12:53 AM

MAYNILA - Hindi na ikinagulat ng Malacañang ang resulta ng SWS survey na nagsasabing 43% ng mga Pilipino ang umaasang lalala pa ang estado ng kanilang buhay sa mga susunod na buwan.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, naiintindihan ng Palasyo ang sentimyento ng mga Pilipino patungkol sa hirap ng buhay habang may pandemya na COVID-19 at umiiral na community quarantine.

Ani Roque, inasahan na nila na hindi talaga madali ang magiging buhay ngayong may pandemya.

“Well, iyan naman po ay kasagsagan pa rin ng quarantine natin. At siyempre po, alam naman natin na dahil nagsara ang ekonomiya ay talagang mahihirapan po ang buong bansa, ang buong mundo, hindi lang naman po ang Pilipinas. Dahil kinakailangan lahat tayo ay bumangon at hindi po madali itong proseso ng pagbangon – naiintindihan po natin iyan," aniya.

Ayon sa pinakahuling survey ng SWS na ginawa nitong May 4 hanggang May 10, lumalabas na 43 porsyento o 4 sa 10 Pilipino ang nagsasabing inaasahan nilang mas lalala pa ang estado ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.

Nasa 24 porsyento naman ang nagsasabing hindi magbabago ang kalidad ng kanilang buhay habang 24 porsyento rin ang umaasang gaganda ang kanilang buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.