Kaso ng COVID-19 sa Bangsamoro region pumalo na sa 100

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 03:28 PM

Umabot na sa 100 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao noong Martes.

Sa huling ulat ng rehiyon hanggang Hunyo 23, may kabuuang 100 na ang confirmed cases sa BARMM, kung saan pinakamarami ang naitala sa Lanao del Sur na may 70 kaso.

Nakapagtala naman ang Maguindanao ng 21 kaso, 6 sa Basilan, at 3 sa Sulu.

Nananatili namang COVID-19 free ang lalawigan ng Tawi-Tawi.

Mula sa 100 kumpirmadong kaso, 4 ang pumanaw habang 44 ang nakarekober na.

Kabilang sa mga nakarekober ang 9 na COVID-19 patients mula sa probinsya ng Lanao del Sur na pinayagan nang makauwi sa kanilang mga bahay matapos na gumaling sa sakit. 

Sa privilege speech ni BARMM health minister Saffrullah Dipatuan sa parliament session, inilatag nito ang mga ginawang hakbang sa paglaban sa COVID-19 at maging ang kinaharap na pagsubok ng mga frontline workers.

"The safety of our healthcare workers is also threatened as they are being harassed in some checkpoints and in the community while conducting contact tracing," ani Dipatuan. 

Patuloy na nakikiusap ang Ministry of Health sa publiko na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards para hindi na mas dumami pa ang COVID-19 cases sa rehiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.