Iloilo City may bagong patakaran sa mga uuwing stranded

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 10:38 PM

ILOILO CITY - Dahil sa paglabag ng mga umuwing stranded mula Luzon at Cebu, nagpasya si Iloilo City Mayor Jerry Treñas kasama ng COVID-19 team ng lungsod na ilalagay sa quarantine facility o hotel ang mga uuwing stranded. 

Isa sa stranded na nagpositibo sa RT-PCR test ay gumala, nag-basketball at pumunta sa isang lamay bago nalaman ang resulta ng kaniyang swab test imbes na tapusin ang 14-day home quarantine.
 
Kamakailan lang ay may umuwi ring taga-Bureau of Fire Protection (BFP) na sumama sa despedida party ng katrabaho sa Boracay. Kalaunan lumabas na positive ang resulta niya sa RT-PCR Test.
 
Dahil karamihan sa mga umuwing stranded na nag-positibo sa RT-PCR test ay naunang nag-negatibo sa rapid test, ititigil na ng city government ang pagko-conduct ng rapid test. 

Ayon kay Treñas, lahat ng uuwing stranded ay sasailalim sa RT-PCR test at magka-quarantine sa hotel or government quarantine facility.

Nakapagtala nitong Miyerkoles ang Department of Health-Western Visayas ng 25 bagong COVID-19 cases, ang pinakamataas na single-day increase ng coronavirus infection sa rehiyon. Karamihan sa mga bagong pasyente ay galing Cebu. - Ulat ni Bea Mary Zaragosa Espino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.