Higit 12,000 OFWs inaasahang babalik na sa Hong Kong

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 03:53 PM | Updated as of Jun 24 2020 04:11 PM

MAYNILA — Inihayag ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na inaasahan na nila ang pagbabalik ng maraming overseas Filipino workers (OFW) sa naturang teritoryo pagsapit ng summer doon. 

Sabi ni Consulate General Raly Tejada nitong Miyerkoles, nasa 12,662 ang tinataya nilang mga Pilipinong lilipad papuntang Hong Kong. 

Nasa 7,907 dito ay may mga bagong kontrata, habang nasa 4,755 ang na-terminate ang kontrata noon pero nakahanap na uli ng trabaho. 

Magandang balita umano ang muling pagbabalik-trabaho ng maraming OFWs sa Hong Kong, pero ang problema ay kung saang quarantine facility sila ilalagay muna dahil patakaran ng gobyernodoon ang pagsasailalim sa OFWs sa mandatory 14-day quarantine. 

"Medyo napakadami po nito kaya po medyo nagwo-worry ang Hong Kong government kung saan sila ilalagay sapagkat ang quarantine po dito na 14 days ay mandatory po. Pero kami ay nakikipag-usap po sa Hong Kong government. Ito po ay bagay na napakaimportante sa gobeyrno ng Pilipinas na mapangalagaan po ang kapakanan ng ating mga kababayan na babalik sa Hong Kong at magtatrabaho," ani Tejada. 

Nilinaw naman ni Tejada na ang employer at agencies na nagpapadala ng OFWs ang siyang may responsibilidad ng paghahanap ng quarantine facilities. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.