COVID-19 ang pinakamalaking banta sa bansa: Malacañang

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 01:41 AM

MAYNILA - Nagbigay ng paglilinaw si Presidential spokesperson Harry Roque sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na ang pinakamalaking banta ngayon sa bansa ay ang mga komunista.

Naunang sinabi ng Pangulo na ang "number 1 threat" sa bansa ay hindi ang mga Abu Sayyaf at ibang mga terorista, kun'di itong mga maituturing na high-valued targets na mga komunista.

“Although he said number one iyan, siyempre ang number one pa rin ay COVID, kasi lahat naman ng atensyon ng gobyerno ngayon ay puro COVID," ani Roque sa isang press conference nitong Martes.

"Pero in terms of defense and national security ang pinakamalaking hadlang o banta ay ang mga komunista, iyan po ang ibig sabihin ng ating President. Hindi naman mapapagkaila na COVID parin ang inaatupag ng buong daigdig.”

Matatandaang bumanat muli ang Pangulo sa mga komunista kasabay ng paghihintay ng taumbayan kung aaprubahan na ba niya ang anti-terror bill, na layong lagyan ng ngipin ang batas pagdating sa pagpapanagot sa mga nasasangkot sa terrorism activities.

Saad ni Roque, isa o dalawang araw nalang ang kinakailangan pa ng Pangulo sa pagdedesisyun sa panukalang batas.

Bilang abogado, nais muna aniya kasi makasiguro ng Pangulo na wala itong magiging paglabag sa Konstitusyon.