Construction site sa BGC, isinailalim sa lockdown dahil sa mga trabahador na nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 12:17 AM

MAYNILA - Isinailalim sa localized lockdown ang isang construction site sa Bonifacio Global City, Taguig nitong Martes matapos magpositibo sa COVID-19 ang ilang construction worker sa naturang lugar. 

Sa rekomendasyon ng Safe City Task Force ng siyudad, tatagal ang lockdown ng dalawang linggo o hanggang July 7. 

Ayon sa lokal na pamahalaan, June 18 nang puntahan ng city epidemiology and disease surveillance unit ang construction site matapos makatanggap ng report na nagkaroon ng sintomas ng sakit ang ilan sa mga trabahador. 

Sa 27 na construction worker na sumailalim sa COVID-19 test, 6 ang nagpositibo. 

Isinailalim din ang iba pang construction worker sa dengue, typhoid, at zika virus test.

Habang ipinapatupad ang lockdown, isasara ng Taguig Police at BGC marshalls ang construction site. Regular din na imo-monitor ang kondisyon ng mga trabahador. 

Tiniyak din ng pamahalaang lungsod ng Taguig na ginagawa ang lahat upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 at ligtas pa rin tumira at magnegosyo sa lungsod.--Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.