BPO company sa Taguig naghahanap ng 2,000 home-based employees

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 03:14 PM | Updated as of Jun 24 2020 04:58 PM

MAYNILA — Naghahanap ng 2,000 manggagawa sa Pilipinas ang isang Singapore-based business process outsourcing (BPO) company na may opisina sa Taguig City.

Sa kabila ng COVID-19 pandemic, nadagdagan kasi ang mga kliyenteng kailangan serbisyuhan ng Everise, tulad ng mga kompanyang nasa healthcare, financial services, retail, at tech sector.

"We’ve added at least 5 new clients over the last 4 months. We also got more business from existing clients because a lot of other partners could not service them," ani Sudhir Agarwal, CEO ng Everise. 

Tulad ng karamihan sa mga empleyado ng kompanya, work-from-home din ang mga bagong recruit. Pero ide-deliver naman ang equipment sa mga empleyado.

Minimum requirement ang college degree at may advantage ang mga may experience sa BPO industry. 

Online ang buong proseso ng application at kailangan lang pumunta sa website ng kompanya.

"They don’t need to leave their house, the interview happens remotely, the selection process happens remotely, the training happens remotely," ani Agarwal. 

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa higit 6,000 ang bakanteng trabaho ngayon sa BPO sector. 

"Iyung sinasabi nilang nagsara, very few lang naman po 'yung accounts na nabanggit sa amin. Kailangan talaga nila ng workers, particularly, yun pong health-related kasi ito 'yung malakas ngayon na kinakailangan po talaga ng ating ekonomiya given the COVID-19 pandemic," ani DOLE assistant secretary Dominique Tutay. 

—Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.