PatrolPH

'Bating Filipino' isinusulong bilang paraan ng pagbati sa gitna ng pandemya

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 02:22 PM

Nakita sa maraming bansa ang pagpapalit ng mga nakaugalian dahil sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa buong mundo.

Sa Pilipinas, para matiyak na masusunod ang social distancing, nais ni Marikina Rep. Bayani Fernando na palitan na rin ang nakaugaliang paraan ng pagbati ng mga Pilipino sa isa't isa ngayong panahon ng pandemya.

"Hindi malaman kung papaano ka babati eh ultimo 'yong mga high-five hindi na pupwede 'yon eh dahil contact pa rin," ani Fernando.

"Kailangan mayroon tayong gesture," dagdag niya.

Sa "Bating Filipino," ilalagay ang kanang kamay sa dibdib at dahan-dahang tutungo, ipipikit ang mga mata, at dahan-dahang itataas ang ulo nang nakangiti.

Base pa rin umano ito sa mga kaugaliang Pilipino.

"'Yong pagyuko naman 'yan ang tanda ng paggalang ng mga Pilipino noong araw," ani Fernando.

Pebrero pa naipasa ng Kamara ang resolusyon ni Fernando pero balak na rin niyang masundan ito ng isang panukalang batas para matiyak na maipatutupad ito. Wala rin itong counterpart na panukala sa Senado. -- Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.