Balikbayang OFW, nagpositibo sa COVID-19 sa Dagupan City

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 09:52 PM | Updated as of Jun 24 2020 10:20 PM

MAYNILA - Isang balikbayang overseas Filipino worker (OFW) ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Dagupan City.

Ayon sa Public Information Office ng lungsod, ang OFW ang ika-25 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Kasalukuyan siyang asymptomatic at na-admit sa Region 1 Medical Center.

Ayon kay Dr. Ophelia Rivera, isang 32 anyos na babaeng galing Riyadh, Saudi Arabia ang pinakabagong COVID-19 patient.

Dumating ang OFW sa Pilipinas noong Hunyo 15 at nanatili sa isang hotel sa Maynila sa loob nang 5 araw habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.

Noong Hunyo 20, nagnegatibo sa COVID-19 ang babae at umuwi sa Pangasinan.

Pagdating sa Dagupan, dinala siya sa isang quarantine facility kung saan sumailalim siya sa panibagong swab test Miyerkoles ng umaga.

Nitong hapon, lumabas na nagpositibo ang OFW sa COVID-19.

Ayon pa kay Rivera, nakipag-ugnayan na ang lungsod sa Department of Health para sa contract tracing ng mga nakasama ng OFW sa bus.