15 pulis-QC sinibak matapos makatakas ang 6 Chinese PDLs

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2020 02:16 PM

MAYNILA - Sinibak sa puwesto at pinaiimbestigahan ng hepe ng Quezon City Police District (QCPD) ang 15 pulis sa lungsod matapos pansamantalang makatakas ang 6 na persons deprived of liberty mula sa pagkakadetine.

Ayon kay QCPD director Brig. Gen. Ronnie Montejo, nakatalaga sa District Mobile Force Battalion ang 15 pulis, na inimbestigahan dahil sa evasion through negligence—o pagtakas ng mga preso dahil sa pagpapabaya—na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code.

Natuklasang nawawala noong gabi ng Lunes ang 6 na Chinese PDL mula sa kanilang detention facility sa loob ng Camp Karingal, ang headquarters ng QCPD, sabi ng pulisya.

Muling naaresto ang mga PDL sa may kanto ng Mapagkumbaba Street at Fulgencio Street sa Barangay Krus na Ligas noong gabi ng Martes.

Kasama ang mga nakatakas na PDL sa higit 300 foreign nationals na hinuli ng Bureau of Immigration and QCPD noong Disyembre dahil sa pagtatrabaho sa bansa nang walang mga kaukulang dokumento at visa, ayon sa pulisya.

Bukod sa kasong kriminal, haharap din umano sa kasong administratibo ang mga pulis.

-- Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.