Wattah Wattah Festival sa San Juan itinuloy sa kabila ng water crisis

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 05:21 PM | Updated as of Jun 24 2019 07:08 PM

Nagbabasaan ng tubig ang mga residente bilang bahagi ng pagdiriwang ng taunang Wattah Wattah Festival sa San Juan nitong Hunyo 24, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Sa gitna ng krisis sa tubig na nararanasan sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan, nagpatuloy ngayong Lunes ang mga residente ng San Juan City sa pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival.

Isa sa mga pinakainaabangan sa taunang pista — na layong gunitahin ang feast day ng patron saint ng lungsod na si St. John the Baptist — ang pagsasaboy ng tubig ng mga residente sa isa't isa.

Bukod sa basaan, napuno rin nitong umaga ng Lunes ang mga kalsada ng lungsod ng musika, sayawan at mga makukulay na float.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay San Juan Mayor Guia Gomez, hindi naging hamon para sa kanila sa pamahalaang lokal ang desisyon na ipagpatuloy ang pagdiriwang sa kabila ng nararanasang malawakang water service interruption.

Binigyang diin ni Gomez na layon ng pagdiriwang na i-promote ang water conservation o pagtitipid sa tubig, base na rin sa tema ng pagdiriwang ngayong taon. 

Nasa 16 firetruck lang ang pinayagan ng pamahalaang lokal na makilahok sa basaan ngayong taon mula sa 50 firetruck noong mga nagdaang pagdiriwang.

Nakiisa rin sa pagdiriwang sina outgoing Sen. Joseph Victor "JV" Ejercito at San Juan mayor-elect Francis Zamora.

Aabot umano sa higit 10,000 ang nakiisa sa pagdiriwang sa San Juan.

Ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ang nakararanas ng mahinang water pressure o tuluyang kawalan ng tubig bunsod ng pagbaba ng imbak ng tubig sa Angat Dam.

Nagdaos din ng kaniya-kaniyang pagdiriwang ng pista ni St. John the Baptist sa iba-ibang panig ng bansa.

Sa Bacolod City, nakiisa sa pista ang mga inmate, na nagkaroon ng zumba foam party.

Pumarada naman sa San Luis, Pampanga ang nasa 50 makukulay na bangka, na ang iba ay may sariling water fountain.

Sa Batangas, bukod sa basaan, dinagsa rin ang parada ng mga lechon.--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.