Paglimita sa tubig sa mga establisimyento itinutulak sa gitna ng water interruptions

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi pa rin sapat ang mga pag-ulan sa Metro Manila para punan ang bumababang lebel ng tubig sa Angat Dam, na dahilan ng limitadong alokasyon sa mga water concessionaire.

Ngayong hapon ng Lunes, pumalo na sa 158.92 meters ang water level sa Angat Dam.

Ayon sa National Water Resources Board, sa weekend ay posibleng pumalo ito sa pinakamababang lebel, na huling naitala noong 2010 sa lebel na 157 meters.

Dahil dito, nanawagan sa gobyerno ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) para limitahan ang paggamit ng tubig sa commercial establishments at mga eksklusibong subdibisyon, gayundin sa mga golf courses, swimming pools, at water fountains na hindi naman umano importante.

Giit nila, dapat gawing prayoridad ang mga residenteng gumagamit ng tubig para sa pang-araw-araw.

"[Dapat] magkaroon ng limited na volume ng tubig na dinadala doon, na tama lamang sa basic needs nila... Kuwentahin lang kung ano lang 'yung sufficient na tubig na kailangan nila," ani Leody de Guzman, chairman ng BMP.

Ayon naman sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), hindi nila ito sakop at bahala na ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad nito.

Kung ang mga water concessionaire naman ang tatanungin, malaki ang matitipid kapag ipinatupad ang panukala ng BMP.

Kung pagsasamahin kasi, mahigit 30 porsiyento ang sineserbisyuhang commercial establishments ng Manila Water at Maynilad.

Dahil naman sa water shortage, nagtitipid na ng tubig ang isang events place gaya ng pagbabawas ng pagpapalit ng tubig sa swimming pool.

Pero kapag nilimitahan pa raw ang supply sa kanila, wala na silang magagawa kundi sumunod.

"Kung dati once a month, ngayon gagawin namin once in every two months... Hindi rin kami masyadong nag-a-accept ngayon ng events gawa nga po ng water shortage namin," ani Adora Espiritu, administrative assistant ng Water Sphere.

Nananatili namang prayoridad ng water concessionaires ang mga ospital. —Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.