P68 milyong halaga ng shabu nasamsam sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 03:58 PM | Updated as of Jun 24 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Nasa P68 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad ngayong Lunes sa isang manukan sa Lipa, Batangas.

Sa bisa ng search warrant, hinalughog ng pinagsamang puwersa ng Batangas police at Philippine Drug Enforcement Agency ang bahay ng suspek na si Eugene Fernandez, 28 anyos, sa may Barangay Francisco.

Natagpuan sa loob ng mga Chinese tea bag ang aabot sa 10 kilo ng shabu, ayon kay Police Col. Edwin Quilates, direktor ng Batangas police.

Matatagpuan ang bahay sa isang manukan, ani Quilates.

Front lang ng suspek ang pagiging manukan dahil ito talaga ay bodega o taguan ng shabu, ani Quilates.

Inaresto si Fernandez pero itinanggi niyang sangkot siya sa pangangalakal ng ilegal na droga.

Nakumpiska rin kay Fernandez ang isang kalibre .45 na baril.

Sinabi rin ni Quilates na may kaugnayan ang mga nakumpiskang shabu sa mga drogang nakumpiska kamakailan sa Alabang at Maynila, na parehas ding inilagay sa mga Chinese tea bag.

Nabatid din ng mga awtoridad na 3 taon nang nakakulong ang kapatid ni Fernandez dahil din sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Nahaharap ang suspek sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Inaalam na rin ng pulisya kung sino ang iba pang kasabwat ni Fernandez.--Ulat nina Dennis Datu at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.