Maintenance worker sa Cebu, nagsoli ng napulot na pitakang may lamang P30,000

Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 09:39 PM

CEBU CITY - Hinangaan ng netizens ang katapatang ipinakita ng isang maintenance worker sa Cebu City.

Ika-19 ng Hunyo nang mapansin ng maintenance worker na si Angelo Baguio ang isang naiwang pitaka sa sidewalk.

Pinulot niya ito, pero sa halip na itakbo ang wallet, nag-alala pa siya para sa may-ari nito.

"Tanang tawo nanginahanglan og kwarta. Ako wala man gyud ko mawili sa ingon ana, ang ako kay mabalik lang sa tag-iya," ani Baguio.

(Ang lahat ng tao nangangailangan ng pera, pero hindi ko gawain [ang magnakaw], basta mabalik ko lang sa may-ari.")

May sakit ang isa niyang anak noon. Hirap siyang maghanap ng perang pambili ng gamot, pero ano mang dahilan ay hindi sapat para masilaw siya sa pag-angkin ng perang hindi sa kaniya.

Inilagay ni Baguio ang sarili sa sitwasyon ng nakawala ng pitaka. 

Aniya, hindi niya maaatim na hindi ito ibalik sa may-ari dahil sa ganitong paraan siya pinalaki at ito ang gusto niyang ituro sa kaniyang mga anak.

Nahanap ni Baguio ang isang contact number sa pitaka. Sumagot ang ama ng may-ari na si Christine Janelle Kho at ibinigay nito ang numero ng dalagang anak.

Sa araw ding iyon ay nakipagkita si Baguio sa may-ari ng wallet para ibalik sa kaniya.

Sa tuwa ni Kho ay nag-post agad siya ng kaniyang karanasan sa Facebook kasama ang litrato ni Baguio na itinuturing niyang bayani.

Sa kaniyang post, inamin ni Kho na nawalan na siya ng pag-asa na maibabalik pa ang pitaka sa kaniya.

"I lost my wallet today that contained around 30k, some important IDs and cards. I realized I lost it when I was walking back to the condo from the mall. I was half hearted about looking for it and tried to look for less than 10 mins because in my head who would return it?" ani Kho sa kaniyang post.

Screenshot

Inalok pa ni Kho si Baguio ng pera bilang pasasalamat sa kabutihan nito pero hindi ito tinaggap ni Baguio.

Paniwala niya, walang kapalit ang pagmamagandang-loob sa kapwa dahil bukal ito sa puso mo.

Para kay Baguio ang tunay na kayamanan ay iyong puwede niyang maipagmalaki na higit pa sa halaga ng pera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.