DFA chief tinawag na 'boba' si VP Leni kaugnay ng isyu sa diplomatic passports

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 08:06 PM

MAYNILA — Binatikos ngayong Lunes ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. si Vice President Leni Robredo matapos itong magbitiw ng mga komento ukol sa pagkansela sa mga diplomatic passport.

Kinuwestiyon kasi ni Robredo ang pasya ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang lahat ng mga courtesy diplomatic passport.

Sa Twitter, tinawag ni Locsin na "boba" si Robredo.

"Hey boba, that is precisely why I have ordered the cancellation of all courtesy diplomatic passports because I refuse to single out Del Rosario," sabi sa tweet ni Locsin, na nagre-react sa isang ulat ukol sa mga komento ni Robredo.

"Will someone please do her the kindness to give her a brain? Here I am trying to do what's right, which is to restrict diplomatic passports to real existing working diplomats so as not to devalue them abroad—and not pass them out as favors to retirees and friends," ani Locsin.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero wala pang isang oras, agad ding humingi ng paumanhin si Locsin.

"I don't mean to be disrespectful Ma'am. You are just a missing heartbeat away from the Presidency. I respect you for that accident of fortune. But there are things that require a measure of study and thought. Please ask me next time. At your service, Ma'am," ani Locsin sa isa pang tweet.

Hindi raw ganoon ang tamang pagtrato ng isang maginoo sa isang babae.

"That’s no way for a gentleman to speak to a lady. Apologies," dagdag ni Locsin.

Maaalalang inanunsiyo ng DFA ang pagkansela sa mga pasaporte matapos ipa-deport ng Hong Kong noong Biyernes si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.

Ayon naman sa tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez, hindi na dapat tumingin sa malayo si Locsin kung nais niyang kanselahin ang diplatic passport ng mga retirado o non-working diplomat.

Sa buwelta ni Gutierrez sa Twitter, sinabi niyang dapat unahin ni Locsin ang pagkansela sa sarili niyang pasaporte.

"If [Locsin] really wanted to limit these passports to 'real, working diplomats' he should start by cancelling his own," ani Gutierrez.

Nauna nang kinuwestiyon ni Del Rosario ang pagkansela sa lahat ng diplomatic passport.

Pero ayon kay Locsin, kailangan gawing ang hakbang habang inaayos ang mga guideline at para hindi mabastos ang may mga may hawak nito.

ANO ANG DIPLOMATIC PASSPORT

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa ilalim ng Department Order No. 12 ng DFA na inilabas noong 1993, maaaring bigyan ng courtesy diplomatic passport ang mga dating pangulo, pangalawang pangulo, DFA secretary, ambassador, senate president, house speaker, at chief justice.

Puwede ring mabigyan ang mga asawa at mga anak na menor de edad na kasama sa biyahe ng mga nabanggit na dating opisyal.

May bisang 5 taon ang mga courtesy diplomatic passport na maaaring i-renew.

Bukod ito sa mga diplomatic passport na ibinibigay sa mga kasalukuyang opisyal na nakalista sa Philippine Passport Act of 1996 dahil sa kanilang diplomatic status o misyon.

Ang mga hindi kabilang sa listahan pero may opisyal na misyon sa ibang bansa ay maaaring bigyan ng diplomatic passport ng pangulo at kalihim ng DFA.

Kailangang ipa-revalidate ang diplomatic passport tuwing lalabas ng bansa ang passport holder.

Sa kaso ni Del Rosario, inaprubahan ng DFA Office of Consular Affairs-Diplomatic and Official Passport Section ang paggamit niya ng diplomatic passport para sa business trip sa Hong Kong.

Ayon sa DFA, Disyembre 20, 2016 pa muling nabigyan ng diplomatic passport si Del Rosario, na may bisa hanggang 2021 matapos aprubahan ni dating DFA Secretary Perfecto Yasay Jr.

Itinanggi naman ni Yasay na inaprubahan niya ang pagbibigay ng diplomatic passport kay Del Rosario.

Ayon kay Yasay, hindi na dapat bigyan ng diplomatic passport ang mga dating kalihim ng DFA dahil hindi na ito pinapayagan sa ilalim ng 1996 Passport Act.

Hindi na rin dapat binigyan ng re-validation ng DFA ang pasaporte ni Del Rosario dahil hindi official mission ang biyahe niya.

Ayon naman kay Justice Undersecretary Mark Perete, may karapatan ang Hong Kong na magpasya kung sino ang papayagan nitong makapasok sa kanilang teritoryo.

Pero nilinaw ng DFA na layon ng courtesy diplomatic passport na mabigyan ang may hawak nito ng port courtesy sa ibang bansa at hindi nangangahulugang mayroon silang diplomatic immunity sa ilalim ng Vienna Convention.--Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.