5 patay, higit 20 huli sa iba't ibang drug ops sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 06:13 PM | Updated as of Jun 24 2019 09:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patay ang 5 tao at arestado naman ang higit 20 sa magkakahiwalay na anti-drug operations sa San Jose del Monte at Sta. Maria, Bulacan. 

Nauwi sa engkuwentro ang buy-bust na ikinasa sa Barangay Muzon, San Jose del Monte kung saan dead-on-the spot sina alyas "Ijel" at "Christian," na parehong nasa drugs watch list ng lugar.

Bukod sa marked money, narekober din sa kanila ang ilang sachet ng shabu, baril, at motorsiklo. 

Ayon sa mga pulis, matagal na rin silang nakatatanggap ng sumbong mula sa mga residente. 

"Mga dayo ito mula Caloocan at dito sa amin nagbabagsak ng shabu. Nakipagbarilan sila sa operatiba natin," ani Police Lt. Col. Orlando Castil, hepe ng San Jose del Monte, Bulacan police. 

Sa Barangay San Gabriel, Sta. Maria naman, patay din ang tatlo pang lalaki sa magkakahiwalay na operasyon. 

Ayon sa pulisya, kilalang tulak sa 3 barangay si alyas "Manok." 

Nakasuot pa ang suspek ng NBI jacket, kung saan nakuha sa kaniya ang isang baril, 16 sachet na shabu, at marked money. 

Sa parehong barangay, napatay din sa buy-bust sina alyas "Obet" at "Richard," na nakuhanan ng 13 sachet ng shabu at 2 baril. 

Umabot naman sa higit 20 ang nadampot ng mga pulis sa iba't ibang barangay sa San Jose Del Monte. 

Sa record ng Bulacan police, aabot na sa 55 barangay ang naideklarang "drug-cleared.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.