2 patay, 6 sugatan sa magkahiwalay na disgrasya sa GenSan, South Cotabato

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 09:25 PM

GENERAL SANTOS CITY - Dalawa ang patay habang anim ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa kalsada sa General Santos City at South Cotabato.

Patay ang driver na kinilalang si Regard Numanap, 24 anyos at residente ng Barangay Apopong, matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang motorsiklong may side car Linggo ng gabi.

Sa imbestigasyon ng General Santos City Traffic Management Unit, head-on collision ang nangyari kaya napuruhan si Numanap na nagtamo ng head injury. 

Sugatan naman ang drayber ng nakabanggaan at dalawa pang angkas ni Numanap na kinilalang sina Ronel Taglay at Nilo Villamor.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple injuries, at damage to properties ang drayber ng motorsiklong may side car.

Samantala, patay rin ang isang Joseph Barcelon matapos ma-hit and run Lunes ng madaling araw sa national highway sa Barangay Labangal.

Sa bayan ng Tupi, South Cotabato, apat naman ang sugatan nang banggain ng pampasaherong van ang isang truck sa national highway Sabado ng umaga.

Ayon sa drayber ng truck, iniwasan niya ang traysikel kaya nabangga siya ng pampasaherong van. May 17 sakay ang van na tumatakbo ng 90 kilometers per hour.

Nagkausap na ang dalawang panig kaya posibleng mauwi rin sa areglo ang isasampang kaso ng mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.