14 serbidora na ginagamit umano sa prostitusyon nasagip sa club sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2019 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sinagip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 14 kababaihan, kabilang ang 2 menor de edad, na umano'y isinasalang sa prostitusyon sa isang club sa Quezon City. 

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, ginagawa umanong sex worker ang mga serbidora sa naturang club. Nanggaling ang tip mula sa isang non-government organization. 

Sa labas ng club, nakumpirma ang impormasyon nang lumabas ang bugaw at ang inilalapit na babae sa nagkunwaring customer. 

Natigil ang kasiyahan at kantahan sa videoke nang lusubin na ng NBI ang club.

Ayon sa NBI, ginagamit ang club para umano ibugaw ang mga waitress o di kaya'y mag-recruit din ng iba pang mga babae para doon daw sila pagpipilian ng mga kostumer.

Itinanggi naman ng may-ari ng club ang akusasyon. 

"Pinagbabawal namin 'yan dito, alam nila yan," depensa ni Beth Robles.
 
Dadalhin sila sa DSWD ang mga nasagip na babae habang kulong naman ang may-ari at umano'y bugaw sa kasong human trafficking. —Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.