'Tulak' patay sa engkuwentro sa Parañaque, pulis sugatan

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 08:00 AM | Updated as of Jun 24 2018 08:38 PM

MANILA - Patay ang isang hinihinalang tulak ng droga habang sugatan naman ang isang pulis matapos mauwi sa engkuwentro ang isang buy-bust operation sa Riverside One, Brgy. Tambo, Parañaque City Linggo ng madaling araw.

Dead on the spot si alyas Tatay Ponso, ang target ng operasyon. 

Watch more in iWant or iWantTFC

Ayon sa pulisya, 1:20 a.m. isinagawa ng mga operatiba ang buy-bust kung saang nakabili sila ng P1,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa suspek.

Nagkapalitan na ng pera at dalawang sachet ng hinihinalang shabu, nang mapansin ng suspek na pulis ang katransaksyon. 

Nagpaputok ito sa mga operatiba kung saan natamaan sa binti si PO1 Dominic Enguio. 

Agad naman gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek. Nakatakas naman ang kanyang kasamahan.

Nakalap sa pinangyarihan ng krimen ang isang baril na ginamit ng suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.