P1-milyong halaga ng shabu, nasamsam mula sa 2 babae sa Davao

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 10:55 PM | Updated as of Jun 24 2018 10:56 PM

DAVAO CITY - Timbog sa drug buy-bust operation na isinagawa ng Sta. Ana Police ang dalawang babae sa loob ng isang pension house sa Quirino Street Linggo ng gabi.

Kinilala ang mga nahuli na sina Doneza Bansot, 35 taong gulang, at Marilyn Razonable, 25 taong gulang, taga-Indangan, Davao City.

Nakuha mula sa dalawa ang mga sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 85 gramo at nagkakahalaga ng P1.02 milyon.

Ayon kay Chief Inspector Michael Uyanguren, ang station commander ng Sta. Ana Police, ang mga droga ay galing Midsayap sa North Cotabato at sila umano ang nagsu-supply ng ilegal na droga sa iba't ibang lugar sa Davao City.

Si Bansot at Razonable ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.