Mga tambay 'hindi target' ng police operations: NCRPO

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 09:08 AM | Updated as of Jun 24 2018 01:09 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Nilinaw ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na hindi mga tambay ang target ng kanilang operasyon kundi ang mga lumalabag batas at lokal na ordinansa.

"Yung mga tambay po kasi, hindi sila ang target ng ating operation. Wala dapat ikatakot ang sinuman sa ating mga kababayan dahil hindi kami dapat nag-aaresto, hindi kami pwedeng mag-aresto ng isang taong walang ginagawang kasalanan o [paglabag sa] ordinansya," ani Eleazar.

Maaring magsagawa ng "warrantless arest" kung mayroong paglabag sa batas at ordinansa katulad ng pag-iinom, pagsusugal at paglalakad ng nakahubad sa kalsada, paninigarilyo sa pampublikong lugar at paglabag sa curfew, ani Eleazar. 

Iba-ibang parusa naman ang haharapin ng mga naaresto ayon sa batas ng nakasasakop na lungsod at barangay.

Samantala, inamin din ni Eleazar na may mga paglabag din ang kapulisan. Tulad na lamang ng pag dampot sa lalaking sumilip sa labas ng kaniyang bahay habang nakahubad.

"Mali po 'yun, kasi hindi kailangan arestuhain. In fact ang pinakamagandang ginawa niya doon, kasi hindi pa naman siya lumalabas ng bahay, pwede niya caution-an," ani Eleazar.

Ayon kay Eleazar, iniimbestigahan na ang nasabing insidente habang ang ilan sa mga sangkot na pulis ay nasibak na sa pwesto.