Mga pulis na 'nanggulpi' sa sinitang guro, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 08:08 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Inireklamo ng isang guro ang umano'y pambubugbog sa kaniya ng nasa anim na pulis sa Pasay City nang sitahin siya noong gabi ng Sabado dahil sa pagmaneho ng motorsiklo habang walang suot na helmet.

Kuwento ng biktimang si alyas "Peter," 42 anyos, bibili lang sana siya ng ulam sa tinadahang katabi ng tinitirhan niyang condominium nang sitahin siya ng mga pulis sa may D. Jorge Street.

Inutusan umano siya ng isa sa mga pulis na kuhanan ng video ang isa pang pulis na nagbibigay sa kaniya ng ticket bago siya binugbog.

"Sumunod ako, vinideohan ko po. Paglapit ko sa vivideohan ko na police officer din, kinuwelyohan po niya ako saka kinuyog na nila ako. Tinadyakan, suntok, sipa," ani Peter.

Isinugod pa sa ospital si Peter dahil sa insidente.

"Not wearing helmet lang ikakamatay ko," ani Peter.

"Hindi po ako lumaban. At ang mga blotter nila, alegasyon doon gawa-gawa lang nila, minura ko raw sila, hinarass ko raw sila," aniya.

Nagsasagawa umano ng Oplan Sita ang mga pulis na nambugbog sa kaniya.

Pero ayon sa hepe ng Pasay police na si Senior Superintendent Noel Flores, bukod sa lumabag dahil sa pag-motorsiklo nang walang helmet, nakainom din ang guro.

"Titiketan lang sana itong nahuli na ito, it so happened na nag-resist siya," ani Flores.

May ilang residente raw na napanood ang insidente.

"Sa sobrang galit ng pulis, sinapak na ata tapos tinadyakan. Hindi pa nakontento, hinila paloob sa presinto and then sinarado ang pinto and then nakita talaga ng asawa ko na tinatadyakan sa loob," sabi ng misis ng isang testigo.

Ayon naman kay Flores, handa silang kasuhan ang mga pulis kapag napatunayang may ginawa ang mga itong paglabag.

"If ever ma-prove natin na lumabag 'yong mga kapulisan natin sa kanilang tungkulin, we will file administrative case," ani Flores.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.