Higit 2,000 estudyante, nagtapos sa UP Los Baños

Fay Virrey, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 02:18 AM

Nananawagan ang ilan sa mga nagtapos para sa pagbabago sa kasalukuyang administrasyon. ABS-CBN News

Higit 2,000 estudyante ang nagtapos mula sa University of the Philippines Los Baños nitong Sabado.

Lahat sila ay bitbit ang iba't ibang istorya ng pag-asa at pagsubok.

"So may mga times talaga na literal 'yung pagsusunog ng kilay, na gasera lang 'yung gamit namin. May mga months na wala kaming ilaw," ani Joshua Dimasaka, nagtapos ng civil engineering bilang magna cum laude.

Ang ilan, dinaan sa damit na suot ang pagmamalaki sa kani-kanilang narating. Tulad ni Mika Dulliyao na ginamit ang kasuotan ng kanilang tribo mula sa lungsod ng Tabuk sa Kalinga.

"I love my tribe and I want to make them proud," aniya.

Si Henry Mark Binahon na 12 taong nasa kolehiyo, pinili ang kasuotan nilang mga Lumad na gamitin sa araw ng kaniyang pagtatapos.

"Connotation nga po ng indigenous people, poor, uneducated. Gusto ko nga po na ma-iangat 'yung pangalan ng indigenous people bilang Lumad," aniya.

Ginawaran si Senador Cynthia Villar ng honorary Doctor of Laws degree mula sa UP Los Baños. ABS-CBN News

Samantala, ang pagtulong sa bayan ang hamon naman ng guest of honor na si Senador Cynthia Villar, na ginawaran din ng honorary Doctor of Laws degree ng unibersidad.

"You hold the power to make a positive difference. In fact hindi lang kayo change makers, mga poverty busters pa kayo," aniya.

Habang suot pa ang kanilang mga sablay at bitbit ang mga plakard at streamer, sa huling pagkakataon bilang mga estudyante, isinigaw nila ang kanilang mga hinaing laban sa gobyerno at nanawagan ng pagbabago.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.