4 patay sa sunog sa Agoo, La Union

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 06:13 PM

Sunog sa Agoo, La Union. Micaella Ilao, ABS-CBN News

AGOO, La Union -- Patay ang apat na indibidwal, kabilang ang 3 bata at ang kanilang amain, nang masunog ang isang 2-palapag na bahay sa Barangay San Julian, Linggo ng umaga. 

Ayon sa mga bombero, unang nasunog ang hagdan ng bahay kaya hindi nakababa ang apat na biktima. Hindi rin nabuksan ang veranda ng kuwarto dahil may bakal. 

Nakita ang 4 anyos na biktima sa ilalim ng kama pero wala nang buhay. Magkayakap naman ng maabutan sa loob ng banyo ang amain at dalawa pang bata na edad 9 at 11.

"Nung nakita namin halos maiiyak ka talaga eh. Kasi kawawa talaga 'yung mga bata," sabi ni SFO4 Ernesto Fabro, isa sa mga bomberong rumesponde. 

Suwerte namang nakaligtas ang live-in partner ng may-ari ng bahay, dalawa pang anak nito at ilan pang mga pamangkin. Inaalam pa ng mga bombero ang sanhi ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.