3 hinihinalang NPA patay umano sa engkuwentro sa Cotabato

Arianne Apatan at Noel Elvana, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2018 10:13 PM

NPA-Cotabato | Larawan mula sa pinangyarihan ng engkuwentro. Kuha ng 39th Infantry Battalion

TULUNAN, North Cotabato - Tatlong hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang patay sa engkuwentro ng umano'y mga rebelde at mga sundalo sa Sitio Alemodian nitong nagdaang Lunes.

Ayon sa mga awtoridad, tinatayang 30 miyembro umano ng NPA ang nakasagupa ng 39th Infantry Battalion sa Barangay Banayal. Mga rebelde umano ito sa ilalim ng Guerilla Front 72.

"Nagkaroon kami ng maraming report tungkol sa presence ng grupo ni Borjak doon, 'yung parang commander ng Guerilla Front 72. Ang sabi is nandoon sila ng mahigit isang linggo na, pinuntahan ng tropa at vinerify at nandoon nga sila," ani Lt. Col. Rhojun Rosales, kumander ng 39th Infantry Battalion.

"For 1 week they were staying there para sa isang celebration ng mga kasal doon sa grupo nila, imbitado 'yung mga mamayan kasama na 'yung mga paryente ng kung sino man ang kinasal doon. As per information nagkaroon ng dalawang kasal doon sa lugar na yun," dagdag pa niya.

Sa kainitan ng engkuwentro, pinaigting pa ng militar ang opensiba at gumamit aniya sila ng artillery fires at airstrike. Biniberipika na nila ang 3 umanong namatay na rebelde at 5 pang sugatan. 

Naniniwala ang militar na nagkawatak-watak na ang grupong nakasagupa nila sa bayan. Nagpapatuloy ang clearing operations ng militar kontra sa NPA. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.