Ina ng OFW na nakaligtas sa death row: 'Huwag mawalan ng pag-asa'

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 06:51 PM

MANILA - "Habang may buhay, may pag-asa po tayo."

Ito ang mensaheng ipinaabot ni Rajima Dalquez, ang ina ng overseas Filipino worker na nakaligtas sa bitay sa United Arabs Emirates.

Ayon kay Rajima, ligtas na si Jennifer mula sa death row matapos na mapawalang-sala siya sa kasong pagpatay sa kanyang amo noong taong 2014.

"Sa lahat ng mga magulang na ang anak nasa deathrow, ang panawagan ko, 'wag mawalan ng pagasa, dasal lang po at saka humingi ng tulong sa ating gubyerno," payo niya. 

Ang desisyon ng korte ay lubusang ikinatuwa ng pamilya ni Dalquez sa Pilipinas.

"Maluwag-luwag na po sa dibdib ko. Lahat ng pamilya ni Jennifer ay nasiyahan sa nangyari. Magandang balita po iyon para sa kanila," sabi niya sa panayam sa DZMM nitong Biyernes.

Napawalang-sala man si Jennifer sa kasong pagpatay, sinentensiyahan pa rin siya ng limang taong pagkakabilanggo dahil sa pagnanakaw ng cellphone.

"Naka-serve na siya ng dalawang taon at kalahati. Dalawang taon at kalahati na lang din ang aantayin natin," sabi ng kanyang ina.

Pagkatapos nito, sabi ni Rajima, uuwi na sa Pilipinas si Jennifer at hindi na muling magtatrabaho pa sa ibang bansa.

"Hindi na po siya maaring magtrabaho doon. Hindi na po kami papayag na magtrabaho pa siya," sabi niya.

Si Jennifer ay may dalawang anak na lalaki.
 
"Nag-aaral, dalawa puro lalaki, isang mag-9 at 'yung bunso, 6," sabi ng kanyang ina.

Nagpaabot naman ng pasasamalat si Rajima sa lahat ng tumulong sa kaso ng kanyang anak.

"Nagpapasalamat po ako sa ating Philippine Embassy at sa lahat ng pamahalaan na tumulong sa aking anak. Maraming, maraming salamat din po sa Migrante National at Migrante International," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.