Binatilyo, inireklamo ng pangingikil sa Quezon City

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2017 01:54 PM

QUEZON CITY - Inireklamo ng isang lalaki ang isang 16-anyos na binatilyo dahil sa umanong pangingikil sa Quezon City.

Ayon sa lalaki, sinabi ng binatilyo na kapag hindi niya ito binigyan ng pera ay ilalabas ang kanila umanong sex video.

Kinikikilan umano ni alyas “Totoy” si Manny (hindi tunay na pangalan) kapalit ng hindi paglabas sa nasabing video. Pero sabi ni Manny, wala pa umanong nangyayari sa kanila kaya imposible na magkaroon sila ng sex video.

“Natakot lang ako na kung ano pa ang kaya niyang gawin,” aniya.

Ayon sa biktima, nagkakilala sila ng suspek noong Martes dahil panay ang tambay ni Totoy sa labas ng tinutuluyang bahay ni Manny sa Quezon City.

Sinabi ni Totoy na 18-taong gulang na siya, at nagkapalitan ng cellphone number at nakapalagayan na sila ng loob.

“Naawa ako sa kanya. Sabi gusto raw mag-aral, pero dahil lasengga ang nanay, wala itong paki[alam] sa anak. Nanghihingi ng pambili ng libro,” ani Manny.

Pero nang hindi na nakikipagkita si Manny kay Totoy, dito na ito nag-umpisang magbanta. Ilang araw mula ng magkakilala sila, nagsumbong na sa pulis si Manny, at kanilang nahuli si Totoy matapos ang entrapment operation.
 
Depensa ni Totoy, sinisingil niya si Manny dahil sa umano nitong pangmomolestya sa kanya.

Nanghingi naman ng tawad ang ina ni Totoy sa ginawa ng anak

“Sana patawarin ang ginawa ng anak ko. Nadamay lamang ito sa masamang barkada,” aniya.

Paalala naman ni Chief Insp. Narciso Cajipe, huwag agad magtiwala sa mga bagong kakilala.

Dahil menor de edad ang binatilyo, ibibigay siya sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.