3 apartment unit sa QC, tinupok ng apoy

Jeffrey Hernaez, DZMM

Posted at Jun 24 2017 01:58 PM

MANILA - Isang napabayaang kandila ang itinuturong dahilan ng pagsigklab ng sunog na tumupok sa tatlong apartment unit sa Barangay Holy Spirit, Quezon City Sabado ng umaga.

Alas-9:30 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa isa sa mga apartment unit na pag-aari ng isang Salvador Dela Peña. Umabot ang sunog sa unang alarma alas-10:20 ng umaga at tuluyang naapula alas-10:36 ng umaga.

Ayon sa mga residente, mabilis umanong kumalat ang apoy dahil na rin sa lakas ng hangin.

Masuwerte na lamang na agad na nailabas ng mga umuupa ang kanilang mga kagamitan. Wala namang naitalang sugatan sa nangyaring sunog.

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang halaga ng danyos na dinulot ng apoy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.