2 menor de edad, huli dahil sa pagnanakaw ng side mirror sa QC

Jeff Hernaez, DZMM

Posted at Jun 24 2017 04:32 PM

MANILA- Arestado ang dalawang menor de edad matapos mahuling nagnanakaw ng side mirror ng mga sasakyan sa Barangay Tatalon, Quezon City nitong Sabado.

May edad 15 at 16 ang mga naarestong suspek.

Ayon sa kapitan ng barangay na si Noel Lobo, nasita sa bahagi ng Manunggal Street ang dalawa dahil sa dalang kahina-hinalang bag.

Nang tanungin, sinabi ng mga ito na personal na kagamitan lamang ang laman ng bag. Ngunit nang buksan, nadiskubre dito ang limang piraso ng side mirror.

Ayon sa dalawang naaresto, ibinebenta nila ang mga side mirror sa Banawe sa halagang P100 bawat isa. Napipilitan lamang umano silang magnakaw para may pambili ng pagkain at gamit.

Sa tala ng barangay, ito na ang ikatlong beses na nahuli ang dalawang bata dahil sa pagnanakaw ng side mirror.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.