PatrolPH

Comelec: Higit 25,000 voter records inalis

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2023 08:57 PM

MAYNILA — Higit 25,000 voter records ang inalis ng Commission on Elections (Comelec) dahil sa double o multiple registration at iba pang dahilan. 

Ang paglilinis na isinasagawa ng Comelec ay bilang paghahanda para 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE na nakatakdang gawing sa Oktubre.

Lumalabas na mayroong kabuuang 25,440 na records sa buong bansa ang natanggal na sa National List of Registered Voters o NLRV, ayon sa Comelec.

Sa naturang bilang,12,987 ang ang inalis sa listahan ng Comelec dahil sa 2 o higit pang fingerprints sa Automated Fingerprint Identification System o AFIS

Nasa 12,274 ang mga botanteng nag-transfer o lumipat na sa ibang lungsod o munisipalidad, habang 2 ang nabigong makaboto sa nakalipas na dalawang magkasunod na regular elections.

Nasa 168 ang namatay na base sa opisyal na report ng Local Civil Registrars at 9 naman ang inalis sa listahan matapos madiskubreng mayroong double o multiple records.

Matapos ang hearing, bibigyan ng kopya ng bagong listahan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPRCV at National Movement for Free Elections o NAMFREL para sa kanilang sariling pagsusuri.

PUBLIC HEARING 

Samantala sa June 27, magsasagawa ang Comelec ng Joint Coordinating Conference kaugnay ng public hearing sa panukalang pagpapaliban ng BSKE 2023 sa Negros Oriental.

Inaasahang dadalo dito sina Comelec Chairman George Garcia, PNP Chief Benjamin Acorda Jr., at AFP Chief-of-Staff Gen. Andres Centino.

Isasagawa ang public hearing mula June 27-29, 2023 sa ilang piling lugar sa lalawigan.

Kabilang dito ang Canlaon City, Vallehermoso, Guihulngan City, Libertad at Jimalalud para sa Cluster 1.

Ang Cluster 2 naman ay isasagawa sa Tayasan, Ayungon, Bindoy, Manjuyod at Mabinay.

May public hearing din para sa cluster 3 sa Bais City, Pamplona, Tanjay City, AMlan at San Jose.

Kasama man sa Cluster 4 naman ay ang Sibulan, Dumaguete City, Valencia, Bacong at Dauin habang ang Zamboanguita, Siaton, Santa Catalina, Bayawan City at Basay ay ang mga lugar na kasama sa Cluster 5.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.