Tulak at 5 menor de edad na umanoy drug courier, tiklo sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2021 12:04 PM

MAYNILA - Pinaghihinalaan ng pulisya na mga drug courier ang 5 menor de edad na nahuli kasama ang 19-anyos na lalaking tulak sa ikinasang buy-bust operation sa Pasay City, Martes ng gabi.

Ayon kay Pasay City Police chief Col. Cesar Paday-os, nasa kanilang drug watchlist ang target na si alyas Boss Chotong.

Nakipagkita ang suspek sa nagpanggap na buyer sa tinitirahan niya sa Tramo Riverside.

Sabi ni Paday-os, nabigla ang agent na makitang kasama ni Boss Chotong sa kuwarto ang mga menor de edad na pinagpaparte-parte umano ng shabu.

Kaya pati sila inaresto matapos ang buy-bust.

Nahulihan si Boss Chotong ng nasa 25 gramo o tinatayang mahigit P170,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Ayon sa pulisya, itinanggi ng mga nahuling kabataan na edad 16 hanggang 17 na alam nilang droga ang nasabat.

Napag-alamang hindi lahat sila ay tagaroon kaya posibleng dadalhin pa sa ibang lugar ang droga.

Ibinigay na sila sa pangangalaga ng social welfare department ng lungsod at nahaharap pa rin sa kaso.

Pero ayon kay Paday-os, nais ng pulisya na mabigyan ng pangmatagalang intervention ang mga kabataan.

KAUGNAY NA BALITA:

Watch more on iWantTFC