PatrolPH

Pista ng San Juan ngayong 2021 wala pa ring basaan

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2021 02:40 PM | Updated as of Jun 23 2021 05:48 PM

Pista ng San Juan ngayong 2021 wala pa ring basaan 1
Wattah Wattah Festival sa San Juan noong 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

MAYNILA (UPDATE) - Sa ikalawang sunod na taon ay mananatiling walang basaan ang "Wattah Wattah" Festival o ang pista ni San Juan Bautista ngayong taon dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic. 

Ayon sa Executive Order 84 na inilabas ni San Juan City Mayor Francis Zamora, bawal ang basaan at pagsasaboy ng tubig na karaniwang nakikita sa tradisyunal na pista, na gaganapin sa Huwebes, Hunyo 24.

Ayon kay Zamora, imbis na nakasanayang basaan, “Basbasan sa makabagong San Juan” ang isasagawa sa pista.

“Hindi muna tayo magdiriwang ng basaan para hindi makadagdag sa bilang ng COVID-19 cases sa lungsod,” ani Zamora. 

Magkakaroon ng basbasan sa Pinaglabanan Church sa umaga ng pista bandang 12:30 ng hapon. 

Watch more on iWantTFC

Pagkatapos nito ay ipaparada ang imahe sa isang nakatalagang ruta. Bawal naman itong sundan ng mga deboto, at inabisuhan silang manatili sa loob ng bahay o sa tapat ng bahay. 

“Sa magdiriwang sa loob ng tahanan, hindi dapat lalagpas sa 10. Mass gathering provisions, nandyan pa rin. Di dapat maging dahilan ang pista para tumaas ang mga kaso. Ang mga pulis at barangay officials mag-monitor sa iba’t ibang lugar,” ani Zamora. 

Kung lalabas ay dapat naka-face mask, face shield, at dapat sundin ang physical distancing. 

Idaraos naman sa St. John Baptist Church ang misa bandang alas-6 ng gabi, kung saan 600 lamang ang maaaring pumasok, alinsunod sa 50 porsiyentong required venue capacity. 

Ang bagong-talaga na Archbishop of Manila na si Jose Cardinal Advincula ang mangunguna sa nasabing misa, na mapapanood din live sa Facebook page ng simbahan. 

“Excited ang San Juan dahil ang misa namin sa gabi ang unang misa officially ni Cardinal Advincula as archbishop of Metro Manila. Napakaespesyal ng pista namin bukas,” ani Zamora.

Ayon sa alkalde, mawawala man pansamantala ang maligayang pagdiriwang ng pista, ang mahalaga'y maipagdiwang ito nang mataimtim at mapayapa.

-- Mula sa ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.