PatrolPH

Lolo patay matapos umawat sa away sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2021 11:35 PM

Patay sa pananaksak ang isang 63-anyos na lolo matapos siya umawat sa away ng dalawang magkapatid na lalaki sa Pototan, Iloilo, Martes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Edgardo Jagolingay at nakatira sa Brgy. Bagacay, Pototan.

Sa imbestigasyon ng Pototan PNP, nag-iinuman ang magkapatid kasama ang biktima sa sa Brgy. Barasan nang magkaroon ng mainit na pagtatalo sa gitna ng magkapatid matapos malasing ang mga ito.

Bumunot ng kutsilyo ang salarin at tinangkang saksakin umano ang kapatid nito pero namagitan ang biktima at hinampas ng kawayan ang kamay ng suspek, pero hindi nabitawan nito ang kutsilyo.

Sa halip ay binalingan niya ang biktima at inundayan ng saksak.

Kaagad na isinugod sa ospital ang biktima pero idineklara siyang dead-on-arrival matapos magtamo ng malubhang sugat sa dibdib. 

Mabilis namang tumakas ang salarin.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring insidente, at pagtugis sa salarin.

—Ulat ni Rolen Escaniel

KAUGNAY NA BALITA

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.