PatrolPH

Walang basaan sa taunang Wattah Wattah Festival: San Juan mayor

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 02:17 PM

Walang basaan sa taunang Wattah Wattah Festival: San Juan mayor 1
Nagsasaya ang mga residente sa basaan habang ipinagdiriwang ang Wattah-Wattah Festival sa San Juan noong Hunyo 24, 2019. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA -- Tuloy ang pagdiriwang ng Wattah Wattah Festival sa lungsod ng San Juan sa Miyerkoles pero ipinagbabawal ang tradisyunal na "basaan," sabi ngayong Martes ni Mayor Francis Zamora.

Idinadaos ang Wattah Wattah Festival tuwing Hunyo 24 para gunitahin ang pista ni Saint John the Baptist.

Sa halip na basaan, ipuprusisyon na lang sa lungsod ang imahe ni St. John the Baptista.

"The San Juan City fiesta is an important cultural activity that we want to push through albeit in a solemn and toned-down manner," ani Zamora.

Ipinalabas ni Zamora ang Executive Order No. 42 S. of 2020 na nagbabawal sa mga residente na magbasaan para maiwasan ang pagtitipon-tipon ng mga tao sa mga kalsada, na posibleng mauwi sa pagkalantad sa at hawahan ng virus.

Pinayuhan ang mga residenteng nais matunghayan ang pagdiriwang na manatili sa tapat ng kanilang mga bahay, sumunod sa physical distancing, at magsuot ng face mask o shield.

Nasa 25 na lang ang aktibong kaso ng COVID-19 sa San Juan, base sa tala noong Lunes.

Nitong Hunyo, 8 araw ang lumipas nang walang naitatalang bagong COVID-19 case ang San Juan.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.