Tinderang pauwi hinarang, minanyak, ninakawan ng kawatan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 05:04 PM | Updated as of Jun 23 2020 08:13 PM

Sa kuha ng CCTV, kitang biglang hinarang, hinalikan, at niyapos ng salarin ang biktima. Hindi pa nakuntento, hinipuan din siya sa maselang bahagi ng katawan. Screengrab

MAYNILA — Pinaghahanap na ng Quezon City Police District (QCPD) at mga tanod ng lungsod ang lalaking nakuhanan ng CCTV noong Lunes na hinarang at minolestiya ang isang babaeng tindera sa Barangay Commonwealth. 

Pauwi na galing trabaho ang tindera na si alyas Sarah na noo'y hawak ang kaniyang cellphone. 

Sa kuha ng CCTV, kitang biglang hinarang, hinalikan, at niyapos ng salarin ang biktima. Hindi pa nakuntento, hinipuan din siya sa maselang bahagi ng katawan. 

Matapos nito ay inagaw pa ang hawak na cellphone ng biktima.

Watch more in iWantTFC

"Pauwi po ako ng bahay... Naglalakad po ako sa pauwi... Hinalikan niya po ako at hinawakan niya ano ko... Nag-agawan po kami ng cellphone. Na-shock na lang po ako," sabi ni Sarah.

Ayon sa mga kawani ng Barangay Commonwealth, ngayon lang sila nakatanggap ng ganoong klaseng reklamo sa nasabing lugar. 

Kasama ang mga kawani ng Barangay Commonwealth, nagtungo na si Sarah sa QCPD Station 6 para pormal na i-report ang nangyaring insidente. 

Sinisilip na ng biktima ang rogues' gallery ng pulisya kasabay ang paggawa ng composite illustration sa pag-asang makilala at matukoy ang salarin.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.