'Shabu tiangge' sa Bacoor City sinalakay; 1 patay, 14 timbog

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 05:18 PM | Updated as of Jun 23 2020 08:08 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Isa ang patay at 14 ang arestado nang lusubin ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang umano'y shabu tiangge sa Bacoor City, Cavite nitong Martes ng madaling araw.

Natagpuan ang shabu tiangge sa Barangay Niog Uno. Nang marating ang mga bahay na target ng operasyon, agad pinalabas ang mga nakatira, karamihan ay mga lalaki.

May mga bata at ginang na may bitbit pang sanggol ang inilayo ng mga awtoridad sa ligtas na lugar.

Pero habang hinahalughog ang loob ng bahay, biglang may namataan ang mga pulis na armadong lalaki, kasunod nito ay nagkapalitan na ng putok. 

Kaniya-kaniyang kubli ang mga pulis at PDEA sa eskinita.

Halos 5 minuto tumagal ang pag-alingawngaw ng mga putok ng baril sa loob ng mga magkakatabing bahay.

Nang humupa ang mga putok, napatay si Eduardo Tagala na umano'y drug pusher at nasa drugs watchlist ng Bacoor City.

Natagpuan sa tabi ng napatay na suspek ang isang baril at halos 50 gramo ng hinihinalang shabu na nasa higit P300,000 ang halaga ang natagpuan.

Nasa 14 pa ang arestado kabilang ang 3 buwang buntis na si Diana Estrada.

Bago ang pagsalakay ng mga pulis sa 5 bahay, nakuhanan sa surveillance video ang bentahan ng ilegal na droga kahit nasa harap pa mismo ng bata.

Nakatakas sa raid ang iba pang drug pusher na target ng operasyon.

Pero sa kabila nito, naniniwala ang mga awtoridad na ito na ang simula ng pagtahimik ng Pogi Street na nabansagang shabu tiangge ng siyudad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.