PatrolPH

Photographer sa Cebu, dumulog sa barter community para mapasaya ang anak sa ika-8 kaarawan nito

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 07:33 PM | Updated as of Jun 23 2020 07:55 PM

Photographer sa Cebu, dumulog sa barter community para mapasaya ang anak sa ika-8 kaarawan nito 1
Courtesy of Reggie Verallo

Bumuhos ang tulong sa isang tatay sa Cebu City na nag-barter ng school artwork ng kaniyang anak kapalit ng simpleng birthday treat para sa anak na babae.

Ayon kay Reggie Verallo, nangako siya sa kaniyang panganay na anak na maghahanda sila sa ika-8 birthday nito noong Mayo 30. Pero dahil sa COVID-19 pandemic, naapektuhan ang hanapbuhay ni Verallo bilang events photographer.

Dahil kapos sa pera, naisipan ni Verallo na mag-post sa Facebook page na Cebu Barter Community. Pina-barter niya ang school artwork ng kaniyang anak kapalit ng isang birthday cake, stuffed toy at lechon manok.

“Birthday niya noong May 30... Nangako na ako sa kaniya, pero hindi ko inaasahan na tatamaan kami ng pandemic. Naapektuhan talaga ang industry namin kaya sinubukan ko lang para maging masaya naman ang anak ko," ani Verallo.

Nakatanggap ng negatibong komento ang post ni Verallo. May ilan ding kumuwestiyon sa kaniyang tunay na intensiyon.

Pero may ilang naawa at hindi agad humusga kay Verallo.

Kabilang dito si Gwenee Grace Abendan na taga-Zamboanga City pero nakatira ngayon sa Cebu City.

Ayon sa kaniya, nagkataong birthday din ng anak niya nang makita niya ang post ni Verallo sa Barter Community page.

Magkahalong awa at paghanga ang naramdaman ni Abendan kay Verallo, na para sa kaniya ay modelo ng isang mabait na tatay na gagawin ang lahat para lang mapasaya ang kaniyang anak.

Nagpadala ng kaunting pera si Gwenee Grace kay Verallo para sa simpleng pang-birthday sa anak nito.

”Nag-reach out ako sa kaniya. Nag-message ako na puwede bang magpadala ng kahit pa-pancit man lang ng anak niya," ani Abendan.

Photographer sa Cebu, dumulog sa barter community para mapasaya ang anak sa ika-8 kaarawan nito 2
Courtesy of Reggie Verallo

May ilan pang netizen ang tumulong kay Verallo na matupad ang birthday treat para sa anak nito. May nagbigay ng cake, stuffed toys at groceries.

Habang ang sobrang pera naman na ibinigay ni Abendan ay ginawa ni Verallo na puhunan sa maliit na negosyo.

Nagluluto siya ng mga kakanin, tulad ng turon, pritong saging, at iba pa. Nilalako niya ito sa kanilang barangay sa Talamban, Cebu City, gamit ang bisikletang nabili rin para sa kaniya ni Abendan, sa tulong ng ilang kaibigan. 

Ito na rin ang naging alternatibong hanapbuhay ni Verallo sa ngayon para mairaos ang kaniyang pamilya sa gitna ng krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Para kay Verallo, sa kabila ng mga problema at dagok sa buhay, hindi dapat mawalan ng pag-asa, lalo na ang paniniwala sa Maykapal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.