Opisyal itinangging pinapatay ng gobyerno ang hanapbuhay ng tradisyunal na jeep

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 01:05 PM

MAYNILA - Pinabulaanan ng gobyerno na ginagamit nila ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) para tuluyan nang patayin ang hanapbuhay ng mga tradisyunal na jeep. 

Kasunod ito ng mga paratang ng ilang transport groups na tila ginagamit umano ang pandemya para alisan sila ng trabaho, sa pagpayag ng gobyerno na mamasada muna ang mga modernong jeepney sa kasagsagan ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kaakibat din umano ito ng pangamba na hindi na sila muli makakapamasada pagkatapos ng pandemya. 

Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ni Department of Transportation Road Sector Senior Consultant Alberto Suansing na gusto lang umano ng gobyernong ayusin ang hanay ng mga jeep bago payagang pumasada. 

“Hindi naman desisyon ng gobyerno na patayin ang mga driver o operator,” ani Suansing. 

Tiniyak din ni Suansing na pinaplantsa lang nila ang kanilang plano para sa mga tradisyunal na jeep at makakabiyahe pa rin ang mga ito. 

“Makakabiyahe pa naman. ... Yung guidelines sa muling pagbiyahe nila is pini-prepare ng ating LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board),” ani Suansing. 

Ilang beses nang umapela ang mga grupo ng jeepney operators na payagan silang pumasada, kasabay ng paglagay sa Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine, kung saan pinapayagan na ang pagpasada ng piling uri ng pampublikong sasakyan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.