PatrolPH

Online portal na naglalaman ng learning materials inilunsad ng CHED

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 02:42 PM | Updated as of Jun 28 2020 08:49 PM

Watch more on iWantTFC

Inilunsad ngayong Martes ng Commission on Higher Education (CHED) ang isang website kung saan maaaring mag-access ng libreng learning materials ang mga estudyante at guro sa mga higher education institution.

Tinatawag ng PHL CHED Connect ang website, na maaaring mabuksan sa link na ito.

"We are doing this so that our faculty member and students will have access to education materials... in various devices," sabi ni CHED Chairman Prospero de Vera sa virtual launch ng online portal.

Nasa 16 higher education institutions ang nagbigay ng content sa PHL CHED Connect. Kasama rito ang University of the Philippines, STI College, the University of the Cordilleras, Pangasinan State University, Ateneo de Davao University, at Mapua University.

Mayroon ding mga international partner na nagbigay ng mga materyales tulad ng British COuncil Philippines, Philippine-American Educational Foundation, University of Saskatchewan sa Canada, at Universidad Catolica de Murcia sa Spain.

Maaaring magamit ng ibang kolehiyo at unibersidad ang mga materyales sa portal para makagawa ng sarili nilang learning materials, ani De Vera.

Tiniyak ni De Vera na ini-screen muna ng CHED ang mga material bago ilagay ang mga ito sa website.

Pero aminado si De Vera na hindi para sa lahat ang online portal dahil marami pa ring mag-aaral sa mga higher education institution ang walang maayos na koneksiyon sa internet o gadget.

"It is targeted for a specific need or a specific requirement for flexible learning," ani De Vera.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.