Mga sasakyang nakaharang sa bike lanes hinuli sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 05:40 PM | Updated as of Jun 24 2020 07:03 PM

MAYNILA - Nagkasa ng clearing operation ngayong Martes ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG) laban sa mga sasakyang nakaharang sa bike lanes sa Quezon City, na anila'y delikado sa mga siklista.

Higit 10 sasakyan ang natiketan ng HPG sa kahabaan ng Quezon Avenue service road para sa kasong obstruction.

Pagkumpiska sa lisensiya at multa ang kapalit ng mahuhuling humaharang sa mga bike lane.

Ayon kay HPG Director Police Brig. Gen. Eliseo Cruz, marami silang natanggap na reklamo ukol sa mga pribadong sasakyang nakaharang sa bike lane.

Dapat umanong maluwag na nakakaraan ang mga bisikleta sa mga bike lane na itinakda ng gobyerno.

Watch more in iWantTFC

Pinaalalahanan din ni Cruz ang mga siklista na huwag mag-counterflow sa mga kalsada para makaiwas sa disgrasya.

Ayon sa pulisya, layunin nilang panatilihing ligtas ang mga siklista habang naglalatag ang gobyerno ng mas marami pang bike lanes sa Kamaynilaan.

Dumami ang mga gumagamit ng bisikleta para marating ang kanilang destinasyon makaraang suspendihin ng gobyerno ang public transportation sa ilalim ng community quarantine guidelines, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.