Korte Suprema ibinasura ang hirit na quo warranto laban sa ABS-CBN Corp

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 04:01 PM


MAYNILA — Binasura ng Supreme Court (SC) en banc nitong Martes ang petisyon ni Solicitor General Jose Calida na kinukuwestiyon ang prangkisa ng ABS-CBN Corp, dahil ang isyu ay isa na umanong "moot and academic."

"I was able to confirm with Chief Justice Peralta that the Supreme Court dismissed today during their En Banc meeting the Quo Warranto petition filed by the Solicitor General against ABS CBN Corporation on the ground of mootness," ayon kay SC spokesperson Brian Keith Hosaka sa isang pahayag.

Maaalalang noong Pebrero ay naghain si Calida ng petisyon para ipawalang-bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa umano'y paglabag tulad ng ban sa foreign ownership at ilegal na pay-per-view.

Nag-expire na ang naturang prangkisa noong Mayo 4.

Noong Mayo 5, ipinatigil ng National Telecommunications Commission ang pag-ere ng ABS-CBN dahil sa kawalan ng balidong prangkisa.

Samantala, nananatili naman ang quo warranto petition laban sa ABS-CBN Convergence Inc.

Kasalukuyang tinatalakay ng Kamara ang aplikasyon ng ABS-CBN para sa banibagong prangkisa.

—Mula sa ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.