Huwag kampante kahit may indikasyon ng 'pagpatag' ng COVID-19 curve: health experts

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 05:51 PM | Updated as of Jun 23 2020 07:45 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nagpaalala ang ilang eksperto na huwag munang magpakampante kahit may mga nakikita na umanong indikasyon ang Department of Health na pumapatag na ang COVID-19 curve sa bansa.

Ayon kay Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire, marami pang siyudad na may napapaulat na pagsipa sa coronavirus cases. 

"Nandoon tayo sa indikasyon na baka nagfa-flatten na yung curve pero we have to be cautious in saying that because we are seeing some spikes in cases in some of the areas in the country. Nakakakita po tayo ng mga lugar na dapat bantayan because there are still hotspots,” ani Vergeire sa press briefing ng DOH.

Ayon kay Vergeire, kung dati’y nasa 2 hanggang 3 araw lang ang pagdoble ng kaso ay malaki na ang improvement nito sa ngayon na nasa 7.26 o higit isang linggo. 

Tinitingnan din ng kagawaran ang tinatawag na critical care utilization rate ng pamahalaan na nasa 35 porsiyento pa lang sa ngayon. 

Dahil dito aniya ay naniniwala ang DOH na naroon na ang Pilipinas sa indikasyon na pumapatag na ang COVID-19 curve ng bansa. 

Kabilang sa mga lugar na nakikitaan ng pagtaas ng bilang ng kaso ay ang Region 7, Leyte, at Bohol. 

Para sa psychologist na si Claudette Agnes, mahalagang makaramdam pa rin ng takot sa kabila ng "new normal" basta’t maging positibo ang pananaw para makaramdam ng pangamba. 

"'Yung positive is meaning you are using it for you to live health. Basta ito ay mild, nakakatulong sa tao. Ito yung healthy assumption na kumbaga tumutulong sa atin sa pagprotekta sa atin," ani Agnes. 

"What is important is we should be doing the protocol that we should live in a very healthy manner and following the protocols of the government," dagdag niya. 

Kinatigan naman ng epidemiologist na si Benjamin Co ang naging pananaw ng isang doktor sa italy na posibleng humina na ang virus. 

Pero aniya, dapat maintindihan ng publiko na malaki pa rin ang papel ng physical distancing 

"Because of the increase in number of coronaviruses globally, some form of her immunity is circulating now in the community. Because some form of her immunity may be circulating in the community, that means some of the people are not getting severely sick,” ani Co. 

Sa ngayon, may 31,825 kumpirmadong kaso na ng COVID-19 sa bansa, kung saan 1,150 ang bagong mga kaso ng virus. 

Ito na ang pinakamaraming naitalang kaso sa isang araw. 

Dito, nasa 789 ang maituturing na "fresh cases" o mga kaso na ni-release matapos ang 3 araw; habang 361 ang "late cases" o mga kaso na ni-release 4 araw o higit pa. Ito na rin ang pinakamataas na tala ng “fresh cases” na naitala sa isang araw. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.