DOJ tukoy na ang netizen na nagbanta ng panggagahasa kay Frankie Pangilinan

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 04:31 PM | Updated as of Jun 23 2020 08:20 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Natukoy na ang pagkakakilanlan at lokasyon ng netizen na nagbanta online na gagahasain si Frankie Pangilinan, ang dalagitang anak ni Sen. Francis Pangilinan at aktres na si Sharon Cuneta, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Martes. 

"The DOJ-Office of Cybercrime has ascertained the identity and location of the person who allegedly threatened Frankie Pangilinan," ani DOJ spokesman Markk Perete.

Maaalalang nanggagalaiting pinost sa social media ni Cuneta ang screenshots ng isang Sonny Alcos kung saan sinabi nitong kung bata siya ay gagahasain niya si Frankie at hindi siya makukulong dahil sa batas na inakda ng ama niyang senador. 

Ayon kay Perete, "open-source intelligence" ang ginamit nila para matukoy ang pagkakakilanlan, tirahan, at hanapbuhay ng nasabing netizen.

Kinausap na rin umano nila ang Facebook para ipreserba ang mga impormasyon sa profile ng netizen. 

"It (cybercrime office) has also made a request for Facebook to preserve the content of the account pending the filing of the complaint by the offended party," ani Perete.

Kahit abroad, maaari rin daw mapanagot ang naturang pasimuno ng pagbabanta. 

"We have a number of laws which actually would extend jurisdiction for so long as one of the elements of the crime is committed," aniya.

Puwedeng kasuhan ang netizen ng paglabag sa Safe Spaces Act at Revised Penal Code in relation to the Cybercrime Prevention Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.