Dine-in sa mga restoran papayagan hanggang alas-9 ng gabi: IATF

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 06:00 PM

MAYNILA — Pinahaba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang oras ng operasyon ng dine-in restaurants sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) gaya ng Metro Manila. 

Sa IATF Resolution No. 48 na inisyu, papayagan na hanggang alas-9 ng gabi ang operasyon ng dine-in restaurants, pero mananatili pa rin ang customer capacity sa 30 porsiyento.

Gayunman, nagpapaalala ang IATF na dapat ay sumusunod pa rin sa physical distancing at iba pang protocols na itinakda ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga establisimyento. 

Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ang pagbabago na ito ay kasunod na rin ng adjustment sa community quarantine curfew hours na 10 p.m. hanggang 5 a.m. 

Samantala, sinabi rin ni Roque na wala munang makaka-graduate sa "new normal" matapos masailalim sa modified general community quarantine.

Isa ito sa mga binago ng IATF sa parameters ng community quarantine sa pinakahuli nitong resolution

"Nawala na po iyong new normal, sa ngayon wala munang new normal. Ibig sabihin lahat ng lugar sa Pilipinas ay mayroong quarantine. Iyan ang pinakapagbabago doon sa inaprubahang parameters, pero pareho pa rin ang basehan niyan, case doubling time, critical care utilization, titingnan pa rin ang ekonomiya," ani Roque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.