Bus company na JAC Liner posibleng magbawas ng mga empleyado

Jorge Cariño, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 03:26 PM | Updated as of Jun 23 2020 06:59 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Inihayag ng JAC Liner Group, isa sa pinakamalaking bus company sa Pilipinas, na posibleng magbawas sila ng mga driver at konduktor sakaling manatiling suspendido ang operasyon ng mga provincial bus.

Ipinagbawal ang pagbiyahe ng mga provincial bus mula pa noong gitna ng Marso alinsunod sa mga patakaran ng community quarantine, na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

"Isa po sa kino-consider po namin is i-layoff po sila, para po magkaroon din po sila ng option, na maghanap po ng ibang pagkakakitaan, ng trabaho. Kasi sa panahon po ngayon 'di po kami nakakatakbo, 'di po namin sila kayang paswelduhan," sabi ni Jeremy Chua, general counsel ng JAC Liner Group.

Sa 2,700 empleyado ng kompanya, 700 ang office staff habang 2,000 ang driver at konduktor, ayon kay Chua.

Mayroong 700 bus units ang grupo, na nag-o-operate ng JAC Liner, Lucena Lines, Pangasinan Solid North, Dagupan Bus and Metro Manila Bus Corp. 

Sa ngayon, 10 bus lang ang naka-deploy bilang shuttle para sa medical frontliners habang 70 iba pa ang bumibiyahe sa pagitan ng Biñan, Laguna at Makati.

Aminado si Chua na hindi sapat ang kita mula sa shuttle service at Biñan-Makati route.

"As much as possible po, ayaw po sana namin mag-layoff ng mga tauhan kasi po kami po yung primary livelihood nila," ani Chua.

"Pero sa situwasyon po ngayon, hindi rin po namin sila, unfortunately, mabigyan ng trabaho dahil po naka-suspend ang operations namin," paliwanag niya.

Aabot sa 14,000 provincial bus workers ang nawalan ng trabaho dahil sa coronavirus quarantine, sabi ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.