Botika na ilegal umanong nagbebenta ng Chinese medicines sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 09:26 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sinalakay ng lokal na pamahalaan ng Parañaque at ng pulisya ang isang botika na ilegal umanong nagbebenta ng Chinese medicines sa Multinational Village, Barangay Moonwalk, nitong Sabado.

Ayon kay Mel Marquez, tagapagsalita ng We Love Multi Homeowners Association, maging sila ay nagulat sa ginawang pagsalakay sa isa na namang negosyp na ilegal na nago-operate para sa mga worker ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGOs).

“Nagulat na lang kami sa tumambang sa amin. Kaya pala ang daming kasamang PNP na may long firearm dahil magre-raid pala sila,” sabi ni Marquez sa panayam sa ABS-CBN Teleradyo, Martes ng umaga.

Kuwento ni Marquez, nagpunta sa kanilang subdivision si City Administrator Fernando Soriano noong Sabado at nag-disinfect ng unang lugar na sinakakay noong Mayo 29 sa Timothy Street sa natura ring subdibisyon.

“Nagulat kami na dumeretso sa nasabing lugar, hindi namin alam nakasunod lang kami sa kanila, bigla na lang may pinasok parang commercial area malapit kasi sa gate ‘yan,” sabi niya.

Nasa ikatlong palapag ng gusali matatagpuan ang botika, ayon kay Marquez. Ang gusali ay nasa main road mismo ng kanilang subdibisyon.

Pero malaki ang paniwala ni Marquez na hindi lamang ang mga ito ang ilegal na mga clinic at botika na nagte-test at gumagamot din sa mga Chinese national na may coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Tingin ko po marami pa. Hindi ako naniniwala na yang isa o dalawa na yan are enough to cater to the residents na POGOs dito sa amin, ‘di kakayanin,” sabi niya.

Hiling din nila sa lokal na pamahalaan na i-lockdown ang lugar para wala nang makapasok pa doon.