'Ang dress ay 'di yes': PNP women's desk tumindig laban sa 'victim blaming'

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 08:23 PM


MAYNILA — Nanindigan ang isang sangay ng Philippine National Police (PNP) na ang kasuotan ay hindi permiso para gawan ang isang indibidwal ng krimen. 

Viral sa social media ngayon ang retrato na in-upload ng PNP Women and Children Protection Center, kung saan pinapaalala nilang ang krimen ay hindi dapat isisi sa kasuotan ng sino man. 

 

"Ang istilo o pamamaraan ng pananamit ng isang indibidwal ay hindi imbitasyon o excuse para gumawa ng krimen. Isang paalala mula kay #AlengPulis," anila. 

Sa retrato makikita ang mga katagang "Ito ay dress. Hindi ito yes."

Maaalalang noong nakaraang linggo ay binatikos ng marami ang social media post ng Lucban municipal police station (MPS) dahil sa pagiging "sexist" at "victim-blaming" sa mga naaabusong kababaihan. 

Sa post ng istasyon na ngayon ay burado na, sinabi nitong iwasan dapat ng mga babae ang pagsusuot ng maiikling damit para hindi makaranas ng pambabastos. 

"Kayo naman mga girls, wag kayo magsusuot ng pagkaikli-ikling damit at pag naman nabastos ay magsusumbong din sa amin. Isipin nyo rin!" anila.

Humingi naman na ng paumanhin ang istasyon dahil sa naturang post. 

"Pasensya na po kung ganun man ang pagka-interpret sa ganung post namin, pero wala kaming intensyon na makasakit," ani Police Lt. Delilah Tapulayan, deputy chief ng Lucban MPS.

Pinaiimbestigahan na rin ito ni PNP chief Archie Gamboa at pinagpapaliwanag ang hepe ng Lucban MPS at tauhan nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.